Monday, October 12, 2009

Buhay May Asawa...

Hindi pala madali...

Oo, alam ko na nuon pa na ang pag-aasawa e parang sugal. Sumusugal ka naman talaga eh. Narinig ko na rin hindi lang sampung beses na ang pag-aasawa e hindi parang mainit na kaning isinubo na pwede mong iluwa pag napaso. Narinig ko na rin na ang pag-aasawa e hindi madali. Hindi lang puro saya, may hirap din. Oo nga.

Sampung buwan na kaming magkasama ng asawa ko. Ngayon ko lang napatunayan na totoo palang babae ang nagdadala ng relasyon. Hindi ko nilalahat. Pero sa kaso ko, oo, babae ang nagdadala ng relasyon. Ako. Kung ako siguro e "nagger," malamang matagal na kaming naghiwalay ng asawa ko. Kung ako siguro e hindi marunong magparaya, malamang wala na ako dito sa bahay namin.

Ngayon ko pa lang nadidiskubre ang buhay may asawa. At hindi ako magsusulat kung hindi ako nahihirapan. Oo, aaminin ko, nakakahiya man, pero nahihirapan ako. Iba pala kasi talaga pag magnobyo pa lang kayo eh. Saka mo pa lang talaga makikilala ng lubos ang isang tao pag nagsama na kayo sa iisang bubong. Malamang sasabihin ng iba, "Kasalanan mo yan, ikaw tong atat na atat mag-asawa eh." Eh ano naman, pero isa lang ang alam ko na totoo, hindi ako nag-iisa sa sitwasyong ito. Sinong may asawa ang hindi dumaan sa pinag dadaanan ko ngayon?

Hindi sa masamang tao ang asawa ko. Ang totoo, hindi siya nananakit. Mabuti siyang tao. Pero, iba pala talaga ang kultura nila dito. Iba pala talaga pag hindi ka sanay sa hirap. Iba ang "lifestyle" ika nga. Sa pinas, pag may isasaing ka, ayos na. Kumbaga, sanay na sanay ako sa hirap kaya hindi ako nag aalala ng husto. Sila dito, konting hirap lang, hindi na alam ang gagawin. Hindi halos mapakali. Hindi makatulog. Ewan, mas nananaig lang siguro talaga sa akin ang dugong Pinoy. Dalang dala ko hanggang dito ang ugaling "bahala na" si batman. Ugaling sana eh makuha sa akin ng asawa ko. Kahit konti lang.

Sa kabilang banda, hindi naman puro hirap lang din ang nararanasan ko sa buhay may asawa. Siyempre may sarap din noh. Lalo na sa gabi, hahaha! Kasi kahit na sa kabila ng hirap eh masarap isiping may karamay ako. Sana lang, hanggang wakas ko siya karamay.