Anung klaseng boyfriend/girlfriend ka?
Ako? Simple lang akong girlfriend. Malambing, makulit, madaldal, at masaya. Masarap din daw akong kausap (sabi nila). Kahit ano pwedeng pag usapan, mula sa napakasimpleng bagay, hanggang sa mga bagay tungkol sa buhay na to. Naniniwala kasi ako na dapat pag mag-on kayo, dapat open kayo sa isa’t-isa. Dapat napag-uusapan nyo ang lahat ng bagay. Importante kasi yun para sakin.
May naging boyfriend ako. Sa lahat siya ang pinakasimple. At yun ang nagustuhan ko sa kanya. Simple lang siya mamuhay. Ayaw niya ng magulo. Ayaw ng masyadong maingay. Gusto niya tahimik lang. Nung niyayaya niya na kong lumagay na kami sa tahimik, ayaw niyang tumira kami sa Maynila. Hindi sa hindi siya sanay, tumira na din kasi siya dito kahit papano. Kaya lang, mas gusto niya talaga sa bayan namin. Tahimik lang kasi dun e, simple lang mamuhay ang mga tao. Dun, kahit wala kang masyadong pera, mabubuhay ka. Hindi mo kailangang maging masipag para kumita ng pera, kasi naman, aanhin mo naman dun ang maraming pera? Magkakaroon ka nga dun ng pagkain ng hindi bumibili e.
Yun ang gusto niya. Hindi sa tamad siya, hindi sa wala siyang pangarap, pero may mga tao pa pala sa panahon natin ngayon na ganun ang gusto. Sabagay, ako rin, gusto ko rin yung ganun, kaya lang hindi ko alam kung kaya kong tumagal sa ganung klase ng buhay. Palibhasa nasanay ako dito sa Maynila.
Pero sa baryo namin na yun? Masarap mabuhay dun. Lahat ng tao halos kakilala mo. Malapit ka sa mga kaibigan mo, andiyan lang sa tabi ang mga kamag anak mo.
Wala nga lang mall, pero aanhin mo naman ang mall kung para ka namang nasa boracay sa ganda ng beach dun? Dun walang polusyon, walang trapik. Maaga gumising ang mga tao dun, pero hindi nagmamadali.
Yun ang gusto niya, na gusto ko rin sana. Kaya lang, may iba pa kasi akong pangarap nun e. May mga pangarap akong gusto pang mangyari na hindi sana nangyari kung nag-asawa kami agad. Isang bagay pa, may pagka-ambisyosa din akong tao, pero konti lang naman. At dahil sa pagkaambisyosang iyon, nawala siya sakin.
Kung alam ko lang sana na makakaramdam ako ng pagsisisi sa ngayon, kung alam ko lang na ganito mangyayari sa bandang huli, sana pala hindi na ko umambisyon ng sobra. Tutal parang wala din naman akong narating pa e. Oo may maayos na trabaho ako ngayon, nakakabili ako ng gusto ko, pero palagi akong pagod. Masaya ko, pero masaya ba akong talaga? Ngayon ako nagsisisi. Ito ba talaga ang buhay na gusto ko? Kung ito nga, bakit nakakaramdam ako ng panghihinayang? Hindi kaya nagkamali ako ng desisyon? Naguguluhan ako.
Gayunpaman, anung klaseng boyfriend/girlfriend ka?
No comments:
Post a Comment