The real essence of romantic love, is that wonderful beginning, after which, sadness and impossibility may become the rule.
Sa kaso namin ni Neil, totoong totoo ito. Oo, hindi kami nagkatuluyan gaya siguro ng iniisip ng marami. Magtatanung siguro kayo kung bakit, ewan ko, sadyang ganun lang talaga ang buhay.
Nung minsang pauwi kami, magkahawak kamay pa kaming naglalakad, walang pakialam sa sasabihin ng iba, bingi sa mga bulung bulungan sa paligid tungkol samin, at bulag dahil sa wala kaming ibang nakikita kundi ang isa’t isa lamang.
Dahil siguro sa masyado pa kaming lasing sa nararamdaman naming saya, hindi namin namalayan na may nakamasid pala samin. At nakasunod samin. Ang mama niya.
Alam ko naman yun, alam kong ayaw sakin ng parents niya. Pano ko nalaman? Kay Donna. Minsan isang gabi nagkausap kami ni Donna. Sa kanya ko nalaman na si Rachel, yung kapatid ni Neil na sumunod sa kanya, nakapag asawa ng taga ibang relihiyon. Nagpalit ng relihiyon si Rachel. Sumunod siya sa relihiyon ng napangasawa niya. Nalaman ko kay Donna na itinakwil si Rachel ng parents nyo, pati na ng ibang kapatid mo.
Sinabi sakin ni Donna yung sinabi ng mama mo. “Nawala na nga si Rachel, pati ba naman si Neil?” Ayaw sakin ng mama mo dahil magkapareho na kami ni Rachel. Natatakot din siyang baka ikaw ang sumunod. Na siyang gusto ko. Dun ako nagsimulang magkaroon ng alinlangan sa ating dalawa.
Mahal na mahal kita at ayaw kong mawala ka sakin. Kaya kinausap kita Neil. Natatandaan mo ba yun? Sinabi ko pa nga sayo na handa akong hintayin ka, na hindi naman talaga ko umaasa na gagawin mo yung ginawa ni Rachel para sa napangasawa niya, ang gusto ko lang, ipaglaban mo ko. Yun lang ang hinintay kong gawin mo.
Ito hindi mo pa to alam. Hindi ko na sinabi sayo. Hindi mo na din kasi kelangang malaman pa. Isang gabi, kakauwi lang natin galing sa palagi nating pinupuntahan. Siguro wala pang isang oras kang nakakaalis sa bahay namin, dumating si Ate Lucille, yung ate mo. Hindi naman talaga ako ang pakay niya, si Ate Flor ang hinahanap niya. Pero wala pa si ate flor nun, ako pa lang sa bahay. Naiilang man ako, pero hinarap ko si ate mo.
Kamustahan lang kami nung umpisa. Small talk. Hanggang sa napunta sayo ang usapan. Sinabi niya sakin na hindi ka pa nga daw pwedeng mag-asawa. Na marami ka pa daw responsibilidad sa pamilya nyo. Na marami ka pang mga pangarap sa buhay. Hindi naman niya ko diniretsang iwasan na kita, pero yun na yun! She was saying things to mean another thing! I’m not that stupid not to understand what she was saying! Hindi rin ako ganun kamanhid. Alam na alam kong ayaw sakin ng pamilya mo. Hindi ka pa daw pwedeng mag asawa, pero bakit panay ang pahiwatig mo sakin na gusto mo nang lumagay sa tahimik? Hindi isang beses na sinabi mo saking gusto mo ng bumukod sa pamilya nyo. Marami ka pa daw responsibilidad sa pamilya mo, bakit? Sino bang wala? Sa tingin ba ng ate mo, sarili ko lang iniintindi ko? Marami ka pa daw pangarap sa buhay. Hah! Kasinungalingan! Alam na alam kong ang tanging pangarap mo ay ang makatuluyan tayo! Ang makasama ako habang buhay! Yan ang hindi alam ni Lucille, ng mama mo, ng pamilya mo. Pero ako alam na alam ko yan dahil yan ang palagi mong sinasabi, yang ang palagi mong ipinadadama sakin, yang ang nakikita ko sayo!
Nakahanda naman akong harapin ang lahat ng mga yun, basta alam ko lang na ipaglalaban mo ko. Sapat na para magbigay sakin ng lakas ng loob ang maramdaman kong nasa likod kita, na kahit ano mangyari, hinding hindi mo hahayaang papaghiwalayin tayo ng pamilya mo.
Sa panig ko nga, galit din sakin ang lahat, dahil hindi ka naman namin kapananampalataya. May mga kapintasan ka din na hindi ko tinitingnan, na sila lang ang nakakakita. Ayokong tingnan dahil sa ayaw ko itong bigyan ng puwang kahit sa isip ko, lalo na sa puso ko. Pero ipinaglalaban kita. Naging matigas nga daw ulo ko dahil sayo. Dahil sa palagi kitang kasama at ayaw nila. Ang katwiran ko, hindi ko maramdaman sa piling nila yung nararamdaman ko pag tayo ang magkasama. Marami pa silang sinasabi Laban sayo na ayoko ng maalala pa. Dahil nasasaktan ako pag nagsasalita sila Laban sayo, pakiramdam ko sakin nila sinasabi yun, ako ang sumasalo ng masasakit na salita na ukol sana sayo.
Ang gusto ko lang naman, ang pakiusap ko lang sana sayo, ipaglaban mo ako. Tutal sabi mo ako ang buhay mo, patunayan mo. Yun lang ang hinihintay ko.
Kaya lang, halos madurog ang puso ko nung bigla ka na lang nanlamig sakin. Iniwasan mo ako, pinuntahan pa nga kita para komprontahin ka kung bakit ka nagkakaganyan, pero anong sinagot mo sakin? Busy ka. Hah! Busy?! Samantalang nung nagsisimula pa lang tayo, lahat ng oras mo na sakin? Halos ayaw mong umalis sa tabi ko! Pinahanga mo pa nga ako dahil sa sinabi mong “when I’m with you, I will sleep little, dream more, understanding that each time we close our eyes, we lose 60 seconds of light.” Pinahanga mo ko nung sinabi mo to dahil linya to ng favorite author ko! To think na hindi ka mahilig magbasa, na iba ang hilig mo.
Kaya hinayaan muna kita, inaamin ko, nagtampo talaga ko sayo. Miss na miss na kita. Pero parang hindi mo ko namimiss. Hindi ka man lang nagagawi sa bahay, hindi mo na ko dinadalaw.
Tapos magseselos selos ka nung nalaman mong may nagpupunta pala sa bahay na kaibigan natin, na alam mo palang may gusto din sakin, pero hindi ko alam. Tapos ang lakas pa ng loob mong awayin ako sa bahay dahil sa nagpang abot kayong dalawa dun! Hindi ako nagtatago dahil sa wala naman akong itatago. Hindi ako nagpapaligaw at hindi rin niya ko nililigawan!
Tapos naglasing ka pa nung gabi! At saka ka pumunta sa bahay. Kakausapin mo ko ng lasing ka? Sabagay, sanay nako, nung niligawan mo nga ako lasing ka diba? Kaw pa itong may ganang magalit, ikaw na nga tong lumayo sakin.
Pero nung gabing yon, nakabuo na ko ng desisyon, at hindi na magbabago pa yun,
Nung gabing yon din, dun mo inamin sakin na nahihirapan ka sa ginagawa mong pag iwas sakin. Bumalik ulit ang dating Neil na kilala ko, yung Neil na mahal na mahal ako. Napaiyak ako nun, nagmistula akong bata na umiiyak sa dibdib mo. Nakakatuwang isipin na ikaw na malambing ka na ulit, pero tinatagan ko loob ko. Kaya lang huli na. Nakapagdesisyon na kasi ako at yun ang tama. Hindi pwedeng masira ang plano ko. Para satin din naman yun, para hindi na tayo masyado pang mahirapan at masaktan balang araw.
Kaya kahit nasasaktan ako, umalis ako kinabukasan. Umuwi ako samin, para lang bumili ng ticket at lumuwas papuntang Maynila kinabukasan.
Hindi nako nagpaalam pa sayo. Hindi na mahalaga yun. Baka hindi lang ako matuloy. Sa bus, dun ko na lang ibinuhos lahat ng luha ko. Kasehodang pag-usapan at pagtawanan ako ng mga kasabay ko sa biyahe, dahil sa halos buong biyahe akong umiiyak dahil sayo.
Dito sa Maynila, pinilit kong magmove on. Nilibang ko ang sarili ko. Nagpakabusy ako sa trabaho. Nakipagnobyo din ako. Nakalimutan din kita. Well, akala ko.
Apat na taon na ang nakalipas, apat na mahabang taon. Hindi na kita nakita simula nun. At hindi ko rin alam kung bakit kita naaalala pa. Hindi ko alam kung pano kong naalala lahat. Naikwento ko kung pano tayo nagsimula. Kung gano tayo kasaya nung tayo pa. Kung gano ka memorable yung date natin. Pero siguro hanggang dun na lang yun.
Kung sa gusto, gusto ko pang makita ka, gusto kong bumalik sa beach na palagi nating pinupuntahan, sa beach kung san tayo bumuo ng mga pangarap natin.
Pero may bahagi din ng puso ko, na nagsasabing tama na. Alam ko namang hindi tayo ang para sa isa’t isa. At ako na lang ang nakakaalam nun.
No comments:
Post a Comment